PAMANA
ni Precious Rochelle O. Gan
“Isa nga hong baso ng yelong nakababad sa coke at isang pandesal na siksik sa keso.”
“Aba, isang bata lang ang alam kong umoorder ng ganyan.” Lumingon si Manang Elena sa upuang bago kong inokupa. “Tino? Tino, ikaw na ba yan? Ang laki-laki mo na, iho! Siguro’y mayaman ka na ngayon, ano?”
Sampung taon na mula nang huli kong nasilayan ang bayan ng San Rafael, ngunit halos wala pa ring nagbago.
Nariyan pa rin ang tindahan ni Mang Igme na paboritong tambayan ng mga lasenggo dito, at itong karinderya ni Manang Elena na amoy usok dahil sa dami ng imported na tabakong pinapadala ng kanyang anak na nagtatrabaho sa States. Mabuti nama’y kahit papaano’y umasenso na si Madam Josepina, rinig na rinig ang ingay ng may kalumaang aircon ng beauty parlor niyang dati’y small-time lang na barberohan.
“Heto na ang order mo, iho.” pumukaw ang boses ni Manang Elena sa aking pagmumuni-muni, “Ano nga palang ginagawa mo dito ngayon sa bayan natin?”
“Wala naman, ho. Dinala lang ako dito ng trabaho ko.” Kahit kaila’y hindi talaga ako magaling makipag-usap sa mga taong nakakaalam sa nakaraan ko. Hindi rin nawala ang pagiging mahiyain ko kapag nakikipagkuwentuhan sa mga nakatatanda sa bayan namin, lalo na kay Manang Elena. Palibhasa’y hindi ko makalimutan ang kahihiyan ko nung nahuli niya kami ng matalik kong kaibigang si Cris na kumuha ng pagkain sa karinderya niya ng walang paalam noong grade 1. Hindi lingid sa kaalaman ni Manang Elena na bihira lang kung makapagtanghalian kami, at dinaan na lang niya sa tawa habang pilit na binabalik sa aming mga munting kamay ang dalawang piraso ng tinapay na sinubukan naming nakawin. “Manang Elena, si Cris nga po pala, kamusta na siya? Nandito pa ba siya?”
“Oo, di naman siya umalis. Ayun, hindi pa rin nagbabago. Tulad noong bata pa kayo, ang dami dami niyong pangarap sa buhay. Gusto mo ba siyang makita? Madalas yun nagpupunta dito para maghapunan. Hintayin mo na lang, ha?”
Una kaming nagkakilala ni Cris noong pitong taong gulang ako. Dalawang taon ang tanda niya sa akin ngunit hindi ito pansin dahil sa pagiging maliit at patpatin niya. Bagong lipat sila noon, dalawa nalang sila ng kanyang ina mula nang iniwan sila ng kanyang ama para sumapi sa rebelde at hindi na muling binalikan. Maliit lang ang San Rafael at walang nananatiling sikreto, kaya’t alam ng lahat ang sitwasyon ni Cris. Madalas siyang tuksuhin ng mga kalaro namin, iniwan daw siya ng tatay niya dahil natakot ito kay Cris na mukha daw kalansay. Madalas siyang mapaaway at ang mga sugat niya mula dito ang dumadagdag sa pagiging nakakatakot ng batang si Cris. Ako lang ang hindi nanukso sa kanya, palibhasa’y hindi ko rin halos kilala ang aking ama. Bihira ko lang siya nakikita at lagi niya kaming iniiwanan dahil sa kanyang trabaho. Kung saan-saan kasi siya nadedestino para makipaglaban. Kung nasaan ang gulo, nandoon din si ama. Sa mura naming edad, hindi namin naisip na maari pa lang magtagpo ang aming mga ama sa labanan. Mahiyain ako at mahinang bata, siya lang ang kaibigan ko dito noon. Kung tutuusin, noong panahong iyo’y ako lang rin ang kaibigan niya.
“Cris, bata ka!” nagising ako sa pag-iisip-isip ng garalgal na boses ni Manang Elena. “Haliko, iho. May naghahanap sayo.” Dahan-dahan akong tumayo mula sa aking kinauupuan. Kamusta na kaya si Cris ngayon? Madami na kayang nagbago sa kanya? Naaalala pa kaya niya ako? “Tino, ikaw ba yan? Pare! Ilang taon ka na bang nawala? Bakit ngayon ka lang bumisita?” Isang malaking ngiti ang dahan-dahang lumitaw sa mukha kong kanina’y puno ng kaba sa muli naming pagkikita ng tangi kong kaibigan.
“Isang dekada nang nagdaan. Buti nakilala mo pa ko. Eto, mabuti naman ako. Wala pa ring asawa. Ikaw, siguro nakatuluyan mo na yung nililigawan mo nung third year tayo, no? Ano nga ba pangalan nun, Jenny ba?” matagal na nga akong nawalay kay Cris, pero dumadating pa din ng natural ang pang-aasar ko sa kanya.
“Tol, alam mo namang ikaw gusto nun e. Pareho lang tayo, malaya pa rin.” Tawa ni Cris, “Anong pinagkakaabalahan mo ngayon, Tino? Anong nangyari sayo mula nang umalis kayo ng ina mo? Ano bang nangyari? Ang bilis niyo kasing umalis tapos wala man lang kaming balita mula sa inyo.” Parang wala pa ring nagbago. Magaan pa din ang pakiramdam namin sa isa’t isa. Sa sandaling iyon, pakiramdam ko’y nagbalik kami sa pagiging kinse anyos at tila isang iglap lang ang lumipas na sampung taon.
Gabi na’t nag-iinuman kami sa tinitirahang kubo ni Cris sa gitna ng palayan. Tahimik dito, marahil kaya’t dito niya napiling tumira. Kahit kaila’y pareho kaming hindi nahilig sa ingay. Pareho na din kaming ulilang buo ngayon, siguro kaya’t mapapansin ang kalat ng lugar. Binatang-binata pa nga talaga.
“Hoy, Tino. Kinakausap kita. Ano na namang nasa isip mo?” Napatingin lang ako’t ngumiti, senyales na hindi ako nakikinig. Kamot-ulo na lamang si Cris at inulit ang tanong, palibhasa’y sanay na siya sa dali kong mawala sa usapan, “Tinatanong kita kung anong dahilan ng biglang niyong pag-alis ng Ermats mo.”
“A, namatay si tatay. Alam mo namang hindi namin kayang bayaran yung upa dun sa bahay namin kung wala ang sweldo niya.” Kibit-balikat ko siyang sinagot. Mahirap mang paniwalaan, wala lang talaga sa akin ang pagkamatay ni Tatay. Di ko naman kasi siya halos nakapiling para mangulila noong nawala siya. “May mga kamag-anak si Tatay sa Maynila, doon kami nanirahan ni Inay. Naging malungkutin si Inay at di nagtagal sinundan niya si Tatay. Tumigil ako sandali ng pag-aaral pero nakapagtapos naman ako. Sa katunayan, isang taon na akong nagtatrabaho.” Yung mga huli kong salita’y kinailangan kong ulitin, sumabay kasi sila sa pag-hikab ko.
“Ang aga-aga pa, inaantok ka na, pare? Napagod ka ata sa biyahe. Saan ka ba nanggaling?”
“D’yan lang sa kampo namin sa San Ignacio. Pahinga ako ngayon, pero babalik din ako sa susunod na linggo. Galing akong Tarlac, yun yung huli kong destino bago rito.”
“Kampo? Nagpulis ka ba, Tino?”
“Hindi, nagsundalo ako. Tinyente, di tulad ni Tatay na hanggang Sarhento lang.” Tumaas ang kilay ni Cris, siguro’y hindi makapaniwala sa sinabi ko. Palibhasa’y siya ang matalik kong kaibigan. Sundalo ang lolo ko, sundalo din ang tatay ko. Yun ang dahilan kung bakit bihira namin siyang nakikita. Gayunpaman, wala akong galit sa mga sundalo. Kung naging absent man si Tatay sa buhay ko, pinili niya iyon. Madami akong kilalang kapwa sundalo ngayon na linggo-linggo nagpapadala ng mga sulat sa kanilang mga anak, at tuwing uwi’y nag-iipon para malibre ang pamilya. Hindi katulad ni Tatay.
Nagbalik sa normal ang mukha ni Cris, at mukhang may mahalagang sasabihin. “A... pare, tutal naman isa ka na palang tinyente, baka pwede mo akong tulungan?”
Sus, yun lang pala. “Oo ba. Anong problema? May nanggugulo bang mga rebelde dito? Hindi pa naman ligtas itong tinitirhan mo. Mag-isa ka sa bahay na ito sa gitna ng bukid, malayo ang susunod na bahay. Huwag kang mag-alala. Magpapadala ako ng ilang tao ko dito. Di mo ata natatanong, big tim na ako.”
Natawa si Cris, bihira kasi ako magyabang noon. “Hindi, ayos lang ako dito. Bago ka lang kasi sa kampong ‘yan pare. Hindi mo pa alam ang mga baho ng ibang sundalo niyo.” Ano daw? “Tanungin mo ang kahit sino dito sa bayan natin. Kumakain sila sa mga karinderya pero hindi nagbabayad, kinukuha nila yung mga paninda ni Mang Igme na walang paalam, ginugulo ang mga kustomer sa parlor. Mbauti sana kung iyon lang...”
“Teka, teka, pare.” Nagugulumihanan kong sagot, “Sobra naman yata yung mga binibintang mo. Saan mo nalaman yang mga yan? Tanod ka ba dito?”
“Ah, parang ganun na nga.” Simula ni Cris, “May binuo kaming samahan dito, tinawag naming ‘Samahan ng Nagkakaisang Mamamayan’. Hindi na kasi maaasahan ang mga alagad ng gobyerno dito, wala nang ginagawa kundi magpalapad ng papel sa mga mamamayan, pero wala naman silang nadudulot ng mabuti. Kami ang gumagawa ng trabaho ng mga tanod, kami din ang nagpaparating ng mga hinaing ng taumbayan. Kami ang...”
Wala akong namalayan hanggang sa nasuntok ko si Cris. “Walanghiya ka, Cris. Rebelde ka pala!”
Nanlaki ang mata ni Cris at bigla siyang tumayo mula sa pinagbagsakan niya sa sahig. “Hindi ako rebelde, Tino! Isa lang akong mamamayang nagmamalasakit sa kapwa!”
“Anong nagmamalasakit? Hindi ba’t kayo yung nanggulo sa kampo namin noong isang linggo? At binugbog pa nga isang kasamahan mo yung isa sundalo namin noong nagpunta siya sa karatig-bayan! Ano bang problema niyo, ha?”
“Wala kaming problema! Yung binugbog ni Kaloy, sinubukang halayin yung kapatid niyang dalaga!”
“ Sinungaling Puro ka palusot! Akala ko ba hindi natin tatanggapin ang pamana ng mga ama natin? Bakit hindi ka tumupad sa pangako?” binuhat ko ang upuan at binato kay Cris, hindi siya nakailag at bumagsak siya sa parehong lugar na binagsakan niya kanina.
“Hindi ako nagpapalusot, Tino! Hindi talaga ako rebelde!” Kung ano man ang sinasabi ni Cris, wala na akong naririnig maliban sa aking paghinga at ang mahinang tawanan sa may di kalayuan. Inikot ko ang lamesa at lumuhod sa harap niya, at pinaulanan ng suntok. Noong una’y hindi siya pumatol, nang biglang may nagbago sa paraan niya ng pagtingin sa akin at muli siyang tumayo at sinipa ako ng malakas. “Tino, gumising ka nga! Hindi lahat ng aktibista ay nagiging mga rebelde!” Binato ko siya ng isang boteng nahulog mula sa mesa, at pagharap muli sa’kin ni Cris ay dumudugo na ang kanyang ilong. “Tino! Hindi kami rebelde! Hindi ako rebelde! Hindi ako gumaya sa Tatay ko, gaya ng hindi ka gumaya sa Tatay mo. Alam ko yun. Sundalo ka, pero hindi ka gumaya sa kanya, dahil iba ka. Iba rin ako, Tino. Ibahin mo ako sa Tatay ko!” pinatid ko si Cris at bumagsak siya sa sahig, hindi siya umiimik ngunit hindi ako natakot. Nawalan lang naman siya ng malay, hindi nakamamatay ang pagbagsak sa sahig.
Sa gitna ng pag-aaway nami’y hindi ko namalayan ang tatlong lalaking nagtatago sa anino ng isang malaking punong mula sa bintana ng bahay ni Cris. Sa sandaling katahimikang sumunod sa pag-aaway namin ni Cris ay naalala ko ang mga nagtatawanan noong nag-uusap kami. “Tingnan niyo nga naman yan. Nagpunta tayo dito para dukutin si Tinyente de Guzmn, e handa na pala silang magpatayan nung pinuno ng SNM,” sabi ng isa sa dalawa niya pang kasama. Kasing bilis ng paglitaw ng galit ko kay Cris ang pagkawala nito. Nangibabaw ang pagiging sundalo ko. Tungkulin muna bago emosyon. Hinila ko ang nakahandusay na katawan ni Cris habang gumagapang malapit sa bintana at sinampal siya para magising. Bumukas ang mga mata ni Cris at sinubukang tumayo ngunit pinigilan ko siya. “Huwag kang gumalaw!” pabulong kong sinabi, “May mga tao sa labas. Tignan mo kung kilala mo sila.”
Sumilip si Cris sa bintana at muling sumalampak sa puwesto namin. Parang namumukhaan ko yung matangkad. Yun si Ka Ambo.” Noong huli akong nasa San Rafael, si Ka Ambo ang isa sa mga pinakamatagal na nagsasaka sa lupain ni Don Salazar. “Tinanggal siya sa trabaho tatlong taon nang nakalilipas. Nahuli kasi siyang nagnanakaw ng bigas. Dalawang araw na kasing hindi kumakain yung mga apo niyang iniwan ng namatay niyang anak,” pagpapatuloy ni Cris. Ngayong pansamantalang tumigil ang paglalaban namin ni Cris ay bumalik ang pagiging parang magkapatid namin. Sumandal ako sa tabi niya. “Bakit hindi sila nakakain?” tanong ko. “Pinusta ni Ka Ambo yung lahat ng sweldo niya sa sabungan, kaso natalo yung mga manak na pambato niya. Kalagitnaan pa yun ng buwan kaya hindi pa sila sinuswelduhan uli.”
“Kasalanan naman pala niya,” simula ko. Umiling si Cris, “Kasalanan niya man, hindi ganoon ang pananaw niya. Kahit man lang raw sana limusan siya ng ipapakain sa mga apo niya, imbis na tanggalin siya sa trabaho. Para kay Ka Ambo, responsibilidad iyon ni Don Salazar. Hindi din siya pinautang ng kooperatiba dahil marami na siyang utang dito. Namatay yung dalawa niyang apo matapos ng isang linggong walang kinakain. Pagkatapos noo’y hindi na namin siya nakita pang muli. Sayang, kung nakumbinse sana namin siyang sumapi sa samaha’y malaki sanang naitulong niya, madami siyang mga kilalang maimpluwensyang tao dito sa atin. Kaso hindi niya man lang tinanggap ang alok namin ng pagtulong.”
“Kung ganoon, bakit nandito siya ngayon? At bakit hindi siya tinulungan ni Don Salazar?”
“Dahil pareho kayo ng inisip ni Don Salazar. Kasalanan naman talaga ni Ka Ambo kung bakit wala siyang mapakain sa mga anak niya. Pero responsibilidad pa rin naman ni Don Salazar na tulungan ang mga nagtatrabaho sa kanya, lalo na ang mga tulad ni Ka Ambo. Sa mga sweldo nila galing kay Don Salazar nanggagaling ang pang-araw araw nilang ikinabubuhay. Ang mga katulad ni ka Ambo ang dahilan ng pagbuo namin sa samahan, para makibaka para sa pangkalahatang ikabubuti ng mga kababayan natin. Kung papapiliin kami’y hindi kami mag-rarally o manggugulo sa kampo ninyo, ngunit hindi kami makapapayag na may mang-aabuso sa mga mamamayan ng San Rafael.”
“Tino, hindi mo ba nakikita? Hindi ako nagrerebelde. Nakikiusap lang ako at ang ibang miyembro ng samahn na huwag sanang tapakan ang mga maliliit na tao. Hindi mo ba naaalala ang pangarap natin noong bata pa tayo? Sabi natin ay tatanggihan natin ang pamana ng pagpapabaya ng mga ama natin at babaguhin natin ang mundo. Iyon lamang ang–” Hindi ako makapagsalita, hiyang hiya ako sa hindi ko pag-intindi sa matalik kong kaibigan. Niyakap ko nalang ng mahigpit si Cris. “Hindi kami rebelde, Tino,” pagpapatuloy niya na mas masigla ngayong bati na kami, “Masdan mo ang mga lalaking nasa labas ng bahay ko, may dalang mga armas at handang makuha ang gusto nila sa ano mang paraan. Sila ang mga rebelde. Sila ang mga kalaban mo, Tino, hindi ako. Tulad mo, hindi ko tinanggap ang pamana ng–”
Hindi ni Cris natapos ang sinasabi niya dahil sa sandaling iyo’y dumungaw si Ka Ambo sa bintana kung saa’y sa ilalim kami nakaupo ni Cris. “Mga ginoo, kamusta?” kita sa kanyang ngiti ang nabubulok niyang mga ngipin, “Tinyente de Guzman, nandito ka pala. Halika’t sumama ka sa’min.” Hindi ko namalaya’y kumuha na pala si Cris ng isang kutsilyong tumalsik mula sa mesa noong nag-aaway kami at sinaksak niya ang braso ni Ka Ambo. “Tino! Tumakbo ka na!” tinulak ako ni Cris papuntang pinto, sa kinatatayuan ko’y natatanaw ko ang mga papalapit na kasamahan ni Ka Ambo.
“Cris! Anong ginagawa mo? Halika na, tumakas na tayong dalawa. Magpapadala ako ng reinforcements.”
“Tino! Huwag na! Umalis ka na, at ako nang makikipag-usap sa kanila.”
“Cris...”
“Hindi kinakailangan ng dahas para masolusyonan ang lahat. Papakinggan ako ni Ka Ambo. Hindi man niya alam, kinauutangan niya ako ng loob. Hindi niya ako sasaktan. Umalis ka na!”
Tila ba isang panaginip ang gabing iyon. Sa mga sumunod na araw ay lagi akong bumabalik sa karinderya ni Manang Elena, ngunit hindi ko nakikita si Cris. Huli kong nabalitaa’y kinuha siyang hostage ng mga rebelde, ngunit hindi namin sila mahanap. Matapos ng ilang buwa’y pinalaya rin nila si Cris dahil wala naman daw siyang naging atraso sa kanya. Nasa Mindanao na ako noong mga panahong iyon.
Pagkatapos ng sampung taon, isang gabi ko lang muli nakasama ang matalik kong kaibigan, at nauwi pa iyon sa isang engkwentro. Gayunpama’y masaya akong maalala na pareho naming tinalikuran ang mga pamana ng aming mga ama na pagkawalang bahala at paghahamak sa kapwa.
Cris, siguro nga hindi tayo tinadhanang magkasama ng landas, pero magkakabangga pa tayo muli. Madaming beses pa. Magkaibang panig, ngunit pareho pa rin ang layun. Sa ngayon, diyan ka na muna sa parte mo ng mundo, dito naman ako sa parte ko. Baguhin natin ang mundo.